www.Bayani.com title
Google
 
Ating Bahay Kubo sa Internet

MGA KUWARTO
Simula
Kuta
E-Card
Aklatan
Patawa
Balitaan
Kuwento
Mga Bayani
Mga Grupo
Mga Larawan
Talaan (Guestbook)
Sumulat sa amin
Tungkol Sa Amin
 
 

 

Ang paaralan sa mata ng mga mag-aaral
Sanaysay ni Marlon C. Magtira

     May mga pagkakataon na namomroblema ang ilang mag-aaral dahil sa kakapusan ng kanilang pangtustos sa pag-aaral. Isang estudyante ang lumapit sa akin at nagsabing baka bumagsak siya sa kanyang practical arts class dahil wala siyang pambayad para sa mga proyekto. Ito kasing teacher niya, may sistemang hindi maganda. Upang makapasa ang mga estudyante, kinakailangang silang makakuha ng kaukulang puntos sa pagtatapos ng klase. Makukuha lamang ang puntos sa pamamagitan ng partisipasyon sa mga gawain sa klase pagrereport, pagrerecite at syempre, pagpapasa ng mga project. Ang kaso, hindi libre ang mga gamit para makapagreport, makapag-recite at makakuha ng mga kagamitan sa projects. Hindi naman makapagreklamo ang pobreng mahirap na estudyante dahil baka lalo pang lumala ang kanyang problema. Hindi lamang siya ang may problemang katulad nito. Marami pang iba.

     Mayroon naman akong estudyante na sa tingin ng ilan ay hindi mabuting mag-aaral. Pero masasabi ko na marunong siya dahil sa kanyang mga sagot sa talakayan. Mahihinuhang nauunawaan niya ang aming paksa at nakapagbibigay pa nga siya ng malalalim na ideya na nakatutulong ng malaki sa daloy ng aming diskusyon. Kaya lang, masasabi ko rin na hindi siya nagsisikap. Sa tingin ko ay makakakuha siya ng matataas na marka kung pagsisipagan niya ang kanyang pag-aaral. Sa tingin ko ay kuntento na siyang makapasa o kaya'y makuha ang kinakailangang marka para manatili sa unibersidad. Minsan ay naghahanap pa siya ng butas para pangatwiranan ang kanyang katamaran.

     Sa isang pagkikita, mayroon akong ipinapasang sulatin bilang paghahanda sa aming talakayan. Syempre, mayroong mga panutong dapat sundin sa paggawa ng sulatin. Subalit malinaw na hindi sinunod ng mag-aaral na ito ang wastong paraan sa gawain. Ang kanyang ipinasa ay resulta ng pagmamadali at marahil ay para lamang masabi na mayroon siyang ipinasa. Pagkatapos ng klase ay kinausap ko siya at sinabi ko sa kanya na maaari pang maging maaayos ang kanyang nagawa kung paglalaanan lamang niya ito ng wastong panahon. Subalit sinabi niya sa akin na... ano ang aking magagawa, e sa hanggang doon lang ang aking kakayahan... Sir, pinaghirapan ko yan, nagsusumikap na nga akong mag-aaral tapos papahiyain n'yo pa ako"

      Ito namang isa, palagi na ngang mababa ang nakukuha sa mga pagsusulit, hindi pa nakikiisa sa mga gawain. Pilit bang sinasabi sa kanyang sarili na wala siyang kakayahan. Naaalala ko noong simula pa lamang ng pasukan, nag-ipit siya ng sulat sa aking lamesa. Sabi niya … "Sir, I'm hope that I will passed this subject because it was my third time…" O-may-gulay!!! Ano ba ito? Hanggang sa matapos ang klase, kahit na anong pilit ang gawin ko para lamang makiisa siya sa mga gawin ay nandoon pa rin siya sa kanyang sariling daigdig sa sulok ng silid. Sa sumunod na taon, hindi ko na siya nakita dahil hindi pinapayagan sa aming paaralan ang pag-ulit ng aralin sa ikaapat na pagkakataon.

      Hindi mainam na karanasan sa paaralan ang aking mga nabanggit. Para sa mga mag-aaral, sa halip na lalawak ang kanilang kaisipan ay maaari pang kumitid dahil sa mga ganitong pangyayari.

      Isa namang mag-aaral ang nagsabi sa akin, kailangan pa ba talagang pumasok sa paaralan ang mga kabataan? Madali mong masasabi na napaka-estupidong tanong ang tulad nito? Subalit namangha ako sa tinuran ng aking estudyante. Sabi nya, "hindi ba't ang paaralan ay sinasabing lugar na maghahanda sa kabataan upang harapin ang mga suliranin sa lipunan? Hindi ba't ang paaaralan ang sinasabing magbibigay sa atin ng mga kaalaman upang ang kabataan ay magkaroon ng makabuluhang pakikilahok sa mga gawain sa lipunan? E ano ang nakikita natin? Natutunan namin ang mga bagay na dapat gawin para pagdating ng panahon ay kaharaping muli ang parehong suliranin sa lipunan. Kung ano ang ginawa ng naunang henerasyon ay gagawin din namin. Siyempre parehong problema, parehong paraan ng paghahanap ng solusyon, parehong hindi makakamit ang solusyon… walang pagbabago."

      Masasalamin sa mga mata ng estudyanteng ito na natutunan niya ang kanyang mga aralin. Nalaman niya na siya'y isang mahalagang bahagi ng lipunang kanyang ginagalawan. At alam niyang dapat kumilos para sa pagbabago para sa kaunlaran. Paano nga naman uunlad kung walang pagbabago.

      Napakahalaga ng paaralan, hangga't nagdudulot ito ng kaunlaran para sa mga pumapasok dito. Kung hindi nga naman nakatutulong at sa halip ay nakapeperhuwisyo pa ay dapat nga lang na wasakin ang mga paaralan. Bago natin sisihin ang paaralan, tingnan muna natin kung ano ang ating ginagawa. Paano ba natin tinitingnan ang ating paaralan?

      Itinanong ko sa mga estudyante ko: Bakit nga ba kayo pumapasok sa paaralan? Sabi ng marami... "e, kasi dapat e… dapat makatapos para magkatrabaho ng maganda… dapat me alam ka kasi hindi maganda kapag wala kang alam…" Ganoon ba iyon?

      Dapat isaisip ng mga mag-aaral na sila ay pumapasok hindi dahil sa kariwasaang kanilang makakamtan sa hinaharap, kundi dahil nais nilang magkaroon ng kaalaman. Kung pumapasok ka sa paaralan dahil napipilitan ka lamang, maaaring ka ngang makatapos subalit malaki ang posibilidad na hindi mo magagamit ang iyong mga natutuhan. Magiging pansamantala lamang ang mga ito dahil ang mga bagay na ipinilit malaman ay madaling malilimutan. Magkakaroon ka ng mapagsikap na gawi kung sasabihin mo sa iyong sarili na pumapasok ka sa paaralan dahil nais mong magkaroon ng kaalaman. Kung ito ang iyong isasa-isip, magkakaroon ka ng masidhing pagnanais na matutunan ang mga bagay na maaari mong magamit tungo sa iyong kaunlaran.

      Para sa mga Pilipino, napakataas ng ating tingin sa edukasyon na madalas ay ikinakasing-kahulugan sa mga paaralan. Kung nakapag-aral ka, mas madali ang iyong pag-unlad. Kaya, ang edukasyon ay nagmimistulang puhunan at balang araw ay malaki ang tubo. Ang edukasyon ay proseso ng pagkatuto samantalang ang paaralan ay isang instrumento ng edukasyon. Sa halip na ang paaralan ay magiging insrumento ng karunungan ay nagmimistula itong paluwagan na may inaasahang malaking sahod balang araw. Hindi naman natin masisi ang ating mga magulang dahil sawang-sawa na sila sa kahirapan. At marahil ay nais nga nila na tayo ay umunlad.

      Ano kaya ang mangyayari kung magiging ganito ang takbo ng pag-iisip ng lahat ng mag-aaral? Nakaiinis kung wala kang pambili ng mga kagamitan para sa mga proyekto. Hindi ka na magsisikap na magkaroon ng mas malawak na kaalaman dahil pwede na ang makapasa lang. Hindi ka magsisikap dahil hanggang doon lang iyong kakayahan. At ang pinakamasama, hindi tayo makatutulong para sa kaunlaran ng ating bayan. Hindi tayo magiging instrumento para sa makabuluhang pagbabago ng ating lipunan… Ikaw, bakit ka nag-aaral?

Walang Kopyahan
©2000 Bayani.com
Ang mga laman dito ay padala o may pahintulot ng may gawa o may-ari. Bawal ang mangopya ng walang pahintulot.