www.Bayani.com title
Ating Bahay Kubo sa Internet

MGA KUWARTO
Simula
Kuta
E-Card
Aklatan
Patawa
Balitaan
Kuwento
Mga Bayani
Mga Grupo
Mga Larawan
Talaan (Guestbook)
Sumulat sa amin
Tungkol Sa Amin
 
 

 


KUWENTO NI LOLA...

SALUD ang pangalan niya,
Pag nagkakatuwaan, DULAS ang tawag namin sa kanya...
Mga murang isipan kanyang hinubog at tinuruan,
Sa mga kuwentong paulit-ulit naming pinakinggan...
Lingid sa aming kaalaman,
Diwa nami't pagkatao'y kanyang binihisan...
Sa panahon ngayon kaugaliang ito'y wala na,
Hinahanap ko mga pagkukuwento ni Lola.

Tapos na ang hapunan, mga bata, parine sa upuan,
May ikukuwento ako sa inyong tiyak na magugustuhan...
Panahon ng Kastila, panahon ng Hapon at liberation,
Mga kuwento ni Lolang hindi kinasasawaan...
Kung minsan pa nga, by special request,
Lola ikuwento mo nga noong si nanay ay madapa...
Nagmamaktol noong utusang bumili ng suka,
Sa kadadabog, ayan tuloy, nadapa.

Puno ng mga aral na tataglayin habang buhay,
Mga istorya ni Lola ay maaksiyon at makulay...
Malikot kong isipan pilit na tinitignan,
Bawat kuwento'y parang iginuguhit para matandaan...
Animo may maliit na telebisyon,
Pinapanood ang bawat sitwasyon...
Pagkukuwento ni Lolang may kahalo pang muestra,
Katotohanan ng buhay kanyang ipinakita.

Matagal na 'yon, lumipas na ang maraming panahon,
Pero buhay pa ang mga ala-ala hanggang ngayon...
Mga anak, sayang at di n'yo inabutan,
Ang aming lolang sadyang kinagiliwan...
Ano'ng sinabi ng computer at play station,
Barbie dolls at Robot, lego set at laser sword...
Hindi kayang tapatan ng inyong mga laruan,
Mga aral sa buhay na sa kuwentuhan nakamtan.

Ano ba'ng nakukuha sa mga bagong teknolohiya,
Pagkukulang nga ba, katamaran o kapabayaan ?
Kundi nga ba'y bakit mo sa telebisyon at computer iniwanan,
Pagtuturo sa anak ng abakada at pagbilang ?
Sa bilis ng takbo ng buhay ngayon,
Lahat tayo'y parang mga hilong talilong...
Kaunting oras na pilit pinagkakasya,
Magampanan lamang responsibilidad sa pamilya.

Kahit sino'ng bata kuwentuhan ang hanap,
Paano kung walang Lolang naroon at maagap ?
Sinong kakausap, gagabay at magtutulak ?
Upang kanilang mga pangarap ay maabot at matupad ?
Ating lingunin mga sandaling si lola ay kapiling,
Sa ating mga anak, iyon ba'y nagagawa natin ?
Kung hindi, kapatid...ating isip-isipin,
Mga anak natin saan kaya natin pupulutin ?

Ginawa at Ipinadala ni: Jaed.green

Walang Kopyahan
2000 Bayani.com
Ang mga laman dito ay padala o may pahintulot ng may gawa o may-ari. Bawal ang mangopya ng walang pahintulot.