www.Bayani.com title
Google
 
Ating Bahay Kubo sa Internet

MGA KUWARTO
Simula
Kuta
E-Card
Aklatan
Patawa
Balitaan
Kuwento
Mga Bayani
Mga Grupo
Mga Larawan
Talaan (Guestbook)
Sumulat sa amin
Tungkol Sa Amin
 
 

 

Mga Tulang galing sa kabataan ng Lipa, Batangas
Ipinadala po sa Bayani.com ang mga tulang ito. Ito po ang kalakip na sulat ng guro ng mga bata.
sa kinauukulan,

    nais po naming ipadala sa inyo o ipalathala ang mga ginawa o nilikha ng mga estudyante namin dito sa Little Nazareth School sa Lipa City. Ito po ay mga nagwaging katha sa Paligsahan sa Pagsulat noong ika-18 ng Agosto sa pagdiriwang ng Linggo ng wika. Kung maiibigan po ninyong ilathala ay magiging masaya po kami.

     ang ipapadala po namin ay ginawa nila sa powerpoint. kayo na lang po ang bahalang pumili. Ang mga tula po ay nilikha ng mga mag-aaral sa ika-6 na baitang at ang sanaysay po ay nilikha ng ika-4 at ika-5 baitang.

     maraming maraming salamat po.

          gumagalang at tumatangkilik sa inyong website,
          nida lasig-octot
 




Gubat ko,kaligtasan ko
Ni: Erika Oba

Ngayo'y aking nakikita
Kabunduka'y nasisira
Sino ba ang nagkasala?
Mga taong naninira

Unti-unting nawawala
Kapaligirang kayganda
Sikaping pangalagaan
Upang tayo'y matulungan

Mga taong umaasa
Nawawalan ng tiwala
Kagubata'y kaligtasan
Ng lahat ng taong bayan

Tulungan ang kalikasan
Para sa kinabukasan
Kaligtasa'y kailangan
Ng lahat ng mamamayan

Bumalik sa listahan ng tula




Gubat ko,kaligtasan ko
Ni: Ronaldo Paolo Panganiban

Isipin natin ang gubat,
Natutuyot, nasisira
Isipin natin ang hayop
Kakayuhay inaasahan

Gubat na napakaganda,
Importante sa 'ting lahat.
'To'y pinagkukunang yaman
Para sa buong bayan.

Kung ang gubat ay mawawala,
Papaano na kaya?
Ano na ang mangyayari?
Maghihirap tayong lahat.

Kaya't habang maaga pa,
Idilat mo na 'yong mata.

Maglinis na, mag- ayos na.
Upang gubat, umunlad pa.

Bumalik sa listahan ng tula




Gubat ko,kaligtasan ko
Ni: Aizel S. Munlawin

Sa buhay kinakailangan ko
Mga likas-yamang dulot nito
Malaking tulong ang natatamo
Nitong biyayang binigay sa 'yo

Datapwat nasan ang kaligtasan?
Nawala lahat sa pinagmulan
Tayong lahat ang may kasalanan
Nitong paglaho ng ating kalikasan

Hanggang sa pangarap na lang ba 'to?
Wala na bang aksyon para dito?
Tuluyan na ba 'tong maglalaho?
Parang isang kisap ang pagsamo

Ang ating kagubatang nalason
Kaya muli natin 'tong ibangon
Sa kapit-bisig ng mamamayan
Nanumbalik ang kalikasan

Kaya wag nating baliwalain
Itong ating mga suluranin
Bago maging bangungut ang lahat
Ng mga biyayang bigay sa 'tin

Kaligtasan ko'y nakasalalay
sa 'yo , aking Gubat

Bumalik sa listahan ng tula




Sulong Lipa
Ni: Jhoanna Mariel D. Silverio

     Paano nga ba susulong ang Lipa? Tayo ay gumising ng maramdaman at madama ng bawat isa sa ating mga Lipeño kung ano ang kailangan ng bayan natin. Tayo ay magtulungan para sa ikasusulong ng ating bayan. Magtapon ng mga basura sa tamang lalagyan. Maglinis ng kapaligiran. At higit sa lahat, magkaroon ng pagkakaisa. Pagkakaisa na kailangan ng bawat isa.

     Ang Lipa ay isang lungsod na maunlad. Ang mga Lipeño ay mapalad. Kaya dapat ay hindi natin ikahiya ang ating bayan. Dapat nating mahalin at linangin ang ating kalikasan, 'pagkat ito ay isa mga dapat nating gawin. Ngunit walang mangyayari kung walang kikilos. Kaya lahat tayo ay dapat kumilos

     Kaya mga Lipeño magtulungan tayo. Walang magyayari kung walang makakaintindi. Dapat magbago para sa ika-21 siglo. Lahat tayo ay magkaisa. Ang bawat isa ay mahalaga para sumulong ang Lipa.

Bumalik sa listahan ng tula




Paglalakbay sa Taal
Ni: Karhleene

     Ang Taal ay isang katangi-tanging lugar kaya't napagpasyahan ng T.L.N. na dito mag Lakbay - Aral ang mga estudyante. Dito makikita ang iba't ibang mga industriyang pantahanan tulad ng pagawa ng balisong, pagbuburda at pagawa ng panutsa.

     'Di ba kilalang-kilala ang Batangas sa balisong? Kung kayat ito ay isa sa aming pinuntahan. Dito makikita kung paano ito ginagawa at ipinaliwanag ni kuya Dindo kung anong uri ng balisong ito. Dumako rin kami sa burdahan ng mga tela. Dito itinuro sa amin ng mga mambuburda kung paano ito ginagawa at itinuro nila sa amin ang ilang teknik.

     Makikita rin dito ang mga natatanging museo. Ito ay ang museo ni Marcella Agoncillo, museo ni Don Gregorio Agoncillo at museo ni Leon Apacible. Dito ko nakita ang mga lumang kagamitan at larawan ng ating mga bayani. Pinuntahan din namin ang Basilika ng San Martin. Ang basilikang ito ang siyang pinakamalaking basilika sa buong Asya.

     Dito sa bayang ito ay hindi basta-basta ang pistahan. Hindi kumpleto ang Pista rito kung walang luwa. Ang luwa ay ang pagtatalumpati na siyang nagpapasaya sa mga tao roon. Pumunta rin kami sa Hagdan- hagdan ng Caysasay. Ang hagdan- hagdang ito ay binunuo ng 125 baitang. Naririto rin ang mahiwagang balon na siyang nagpapagaling sa mga sakit. Sana mapuntahan ko ang lahat ng lugar dito.

Bumalik sa listahan ng tula




Gubat ko,Kaligtasan ko
Ni: Kenneth V. Tolentino

Mga ibo'y naglipana,
Sa gubat na nagnining,
Sa gubat na sumisidhi,
Sa natanging lahi natin.

Sa binhi ng kagubatan,
Laganap ang kabutihan,
Sa mundo ng katauhan,
Na ating tinitirahan.

Ang mga dahon dumadampi
Sa lupaing natatangi,
Rumaragasang mabuti,
Sa kagubatang nasabi.

Kaya laging tandaan,
Gubat ay lagin silayan,
Tantuin lahat ng gawa,
Gubat na luntian.

Bumalik sa listahan ng tula




Sulong Lipa
Ni: Kristine Angeli Dimaano

     Lipa sumulong ka! Tayo'y magtulungan upang umunlad ang ating bayan sa darating na ika-21 siglo. Huwag nating pabayaan, pagkat ito'y nag-iisa,walang makakahambing sa bayang ito.Ating tulungan ang isa't isa pagkat tayo rin ang may hawak ng ikagaganda ng ating kinabukasan.Kaya't ating sundin ang lahat ng batas,gumawa ng mga proyektong makakabuti .Higit sa lahat ay ang pagsulong,pagsulong ng Lipa at lahat ng tao.

     Ngunit paano natin magagawa ang lahat ng ito? Siguro'y kailangan natin ng pag-unawa, pagmamahal at pagtitiwala.Pagtitiwala sa bawat tao na kaya nilang gawin ang isang bagay na hindi pa nila nagagawa, pagmamahal sa bawat isa at pag-unawa sa bawat problema. Pagtapon ng basura sa tamang lalagyan ay kailangang nating gawin sapagkat ito'y nakatutulong sa pagkakaroon ng malinis na bayan.Paglilinis ng paligid ay kailangan din nating gawin upang makaiwas sa mga sakit,ito ay ating gawin upang magkaroon ng maganda at matiwasay na bayan.Bayan ng Lipa ay ating pangalagaan upang maging malinis,maganda at masayang puntahan.Ngunit hindi natin magagawa ang mga ito kung walang pag-uunawaan, pagtitiwala at higit sa lahat pagkakaisa, pagkakaisa ng bawat tao.

Bumalik sa listahan ng tula




Ang Makasaysayang Taal
Ni: Mikko Mindanao

     Ang Taal ay isa lamang sa mga makasaysayang lugar sa Pilipinas. Marami kaming nakuhang impormasyon sa aming mga pinuntahan. May mabait na tao na gumabay sa amin patungo sa mga makasaysayang lugar sa Taal. Pumunta kami sa pagawaan ng sawali , balisong , burdahan at sa mga museo. Ang pagawaan ng sawali ang una naming pinuntahan. Natutuhan naming gumawa ng balisong at magburda . Pinuntahan din namin ang pinakamalaking basilika sa Timog Silangang Asya .

     Pagkatapos naming magtanghalian , kami ay pumunta sa Hagdan-Hagdan ng Caysasay, panutsahan, bahay ni Marcella Agoncillo at bahay ni Leon Apacible. Napagod kami nang umakyat kami sa 125 baitang ng Hagdan-Hagdan ng Caysasay . Sa panutsahan , nakita namin ang iba't-ibang laki ng mga panutsa at nakita rin namin kung paano ito ginagawa . Ang dami naming impormasyong nakuha sa bahay ni Marcella Agoncillo at napakabait ng mga taong nagturo sa amin . Sa bahay naman ni Leon Apacible ay nalaman ko na siya ang pumirma ng ating konstitusyon . Ang Taal ang pinakamakasaysayan at malinis na lugar para sa akin .

Ang Kasaysayan ng Taal

     Ang Taal ay dating nakatayo sa tabi ng bulkang Taal.Inilipat ang Taal nang pumutok ang bulkang ito. Ang dating tawag sa lawa ng Taal ay lawa ng Bon-Bon. Ginawa ang Taal Bascilica ng 2 taon. Napakalaki ng Taal Bascilica.

Bumalik sa listahan ng tula




Sulong Lipa
Ni: Regine T. Gunda

     Sa pagkarami-raming taong lumipas, ang Lipa ay tuluyang sumulong at umunlad. Maraming mga nagkakaisang tao. Marami ring mga proyektong isinagawa para sa ikabubuti at ikauunlad ng lungsod na ito. Ang mga naging "City Mayor" ay naging mapagbigay sa mga mamamayan ng naturang lungsod. Sila ang mga namahala o namamahala sa mga proyektong naisagawa o sinasagawa pa lamang. Dalawa sa mapag-kawanggawa city mayor ng Lipa ay sina Ruben Umali at Vilma Santos - Recto. Hindi nila hinayaang maging isang hindi kanais-nais ang lungsod na ito. Sa kanilang pamumuno, umunlad tayo.

     Maraming nagtatanong kung paano susulong at uunlad muli ang Lipa. Paano nga ba? Hindi ko masasabi ang lahat ng isinagawa ngunit may alam ako. Magtapon ng mga basura sa tamang mga lalagyan. Magtanim ng mga halaman sa paligid upang maiwasan ang mga baha atbp. Magkaisa tayo sa bawat pagsubok at suliranin na dumarating at darating pa lamang sa ating buhay. Ipagdasal natin ang ating lungsod at ang mga naninirahan dito nawa'y walang mangyaring masama sa ating kinabuhayan. At higit sa lahat tayo'y magmahal ng buong puso. Igalang natin ang isa't isa. Hindi natin ito dapat gawin upang maging tanyag sa buong mundo bagkus maging maligaya at mapayapa ang ating pamumuhay dito. Sa tulong ng ating city mayor, Vilma Santos - Recto, maisasagawa ito ng maayos. Mapalad tayong mga Lipeño at nanirahan tayo sa ganitong lungsod!

Walang Kopyahan
©2000 Bayani.com
Ang mga laman dito ay padala o may pahintulot ng may gawa o may-ari. Bawal ang mangopya ng walang pahintulot.