Subject: [bayani] tula
Date: Tue, 30 Mar 1999 10:18:32 +0800
From: "Bayani.com" <sulat@bayani.com>
Organization: http://www.bayani.com
To: See_Bayani_com <SeeMySite@bayani.com>

Mga Binibini at Ginoo,

Mabuhay!

Sa mga bagong sali, salamat at sana magustuhan ninyo ang aming mga
pakulo.  Kung may naisip kayong nais ninyong makita, sumulat lamang
kayo sa sulat@bayani.com at susubukan naming gawin iyon.  Kung mayroon
kayong mga tula at mga patawa, ipadala niyo rin sa amin para makita ng
marami pa nating kabayan dito sa Pilipinas at sa ibang bansa.

Lilihis ngayon ang Bayani.com upang ibahagi sa inyo ang isang tulang
ipinadala sa amin.  Inilagay na namin ito sa Kuta
(http://www.bayani.com/kuta)  pero sa aming palagay ay hindi pa ito
sapat at kailangang makita ng marami nating kaibigan.  Ngayong panahon
ng krisis, kailangan ang mga ganitong likhang nagpupukaw ng mga diwang
sama-sama at hindi kanya-kanya.  Salamat sa inyong ginawa, Jaed.green.

===============

"ANG KUTA NG KATIPUNAN"

Kabayan, bakit mo ito naisipang puntahan ?
Hinahanap mo rin ba ang Kuta ng Katipunan ?
Sa tagal ng panahong lumipas, akin ding pinagtatakhan,
Mula noon hanggang ngayon di maituro kung nasaan...
Minsan ko na ring hinanap sa mga babasahin at aklat,
Ipinagtanung-tanong, sinundan ang bawat yapak...
Sa dami ng lugar na itinuro, ni isa'y walang bakas,
Hanggang saan kaya makakarating itong paghahanap ?

Minsan kong nabasa, sa Tondo raw nagsimula ang lahat,
Kanilang ipinaglalaban itinago sa likod ng telon at tanghalan...
Mga palabas na gumising sa puso't kaisipan ng bawat mamamayan,
Nagsilbing gatong sa magiging apoy ng himagsikan...
May nagsabi pa nga, isang mahal na araw itinakda,
Ang Supremo at mga piling kasama'y maagang nawala...
Montalban ang tungo, sila ay nag-"lakaran",
Penitensiyang matatawag, isang matandang kaugalian...

Humantong ang "lakaran" sa kuweba ng Pamitinan,
Bawat isa, bisig ay lumuluhang sinugatan...
Uling na binasa ng dugo'y ginawa nilang panulat,
Payak na mga letra sa kuweba hanggang ngayon mababanaag...
"Viva La Independecia Filipina!" ang isinulat,
Kanilang mga lagda, kasunod ng hinahangad...
Puno ng damdamin at pagmamahal sa Bayan,
Ito na nga ba ang Kuta ng Katipunan ?

Di ba sa kuta ginaganap ang mga seremonyas ?
Nais maging kasapi, hirap dito nila dinanas...
Kung susuriin, tiyak na hindi ito nangyari,
Sa iisang lugar kundi sa marami...
Kung ganoon, nasaan ang Kutang ating hinahanap ?
Magbigay ng palatandaang narito nga sa lupa...
Sa makulay na dahon ng Kasaysayan,
Hindi matunton, saan nga ba ang pinagmulan ?

Sa dami ng lugar na pinangyarihan ng himagsikan,
Upang makalaya sa kuko ng mga Dayuhan...
Hindi ang daan ang siyang dapat nating sundan,
Kundi ang taong bumabagtas na siyang naging dahilan...
Saan man nakarating ang init at lakas ng Katipunan,
Iisa lamang ang pinanggalingan...
Matinding pagnanasang palayain ang Inang Bayan,
Kuta ng Katipunan sa puso lang ng Supremo matatagpuan.

Isang magandang likha ni Jaed.green

Nakalista sa http://www.bayani.com/kuta

      \\ | //
       (o o)            http://www.Bayani.com
---oOOo-(_)-oOOo--------------------------------

Para sumali, magpadala lamang ng sulat sa sulat@bayani.com o pumunta
sa website. Mas marami pang mga patawa sa http://www.bayani.com/patawa

Sana ay huwag tanggalin ang mga sulat na ito pag-ipapadala sa kaibigan
para makasali rin sila.

                      Inyong lingkod,
                      Super Perez
                      Tagapamahala
                      http://www.bayani.com

http://www.bayani.com/balitaan - Balitaan sa Bayani.com
http://www.bayani.com/kuta - Kuta ng mga Katipunero
http://www.bayani.com/aklatan - Aklatan ng Bayani.com
http://www.bayani.com/patawa - Patawang Pinoy
http://www.philshopping.com - Tiangge sa Internet