|
Paano nga ba ang maghintay? Halos mawalan na ng pag-asa na maituwid pa
ang buhay. Nakakulong sa apat na sulok na silid….nagmumokmok..nag-iisip…
at kadalasan ay di maiwasan ang mapaluha na lamang.
Mula noon ay wala nang pinangarap kundi simpleng
pamumuhay. Madalas ay nais umiwas sa isang nakaraan na patuloy na
gumugulo sa puso. Naging napakalungkot ang mga nakaraang taon. Patuloy
ang pagdaan ng mga araw… parang hindi na magkakaroon ng pagkakataon na
muling bumangon at magbagong buhay. Pinilit kalimutin, nagpakasiya sa
kinagisnan ng pag-iisa…sinubukang humalakhak sa walang kasamang pag-asa
kinabukasan..hanggang sa umabot na sa kasukdulan.
Pagluha'y pilit pinipigilan..ngunit kahit anong
lakas, parang kandila na nauupos sa pagsapit ng gabi. Hindi kayang
magkunwari..magkubli sa dilim.
Patuloy pa rin ang pangungulila, kadalasa'y nanaginip
ng gising. Binabalikan ang nakaraan. Hanggang kailan mababago ang takbo
ng buhay? Patuloy ang pagdanas ng kawalan ng pag-asa. Naghihintay sa
paglubog ng araw para sa bukas na may inaasahang saya.
Siguro nga'y nakalimot ka na….nang minsang banggitin
na kailan man ay di magsasawang magmahal. Saksi man ang kalangitan sa
iyong pagsuyo, tuluyan na yatang isinang tabi ang pag-ibig na minsa'y
inialay.
Malaki na sya siguro…di na mahirap ihele sa gabi.
Nakatutuwa pa nga kung siya'y nag-aaral na..Wala namang nakakagulat
doon.. 5 taon na din ang nagdaan.
Sa kanyang paglaki, maisip mo sana ang iyong naiwan.
Maging isang mabuting haligi ng tahanan…patuloy na magsikap sa
hanapbuhay madaos mo lamang ang mga pangangailangan nila.
Kung sa iyo nga'y naging madali ang lahat..ako'y
nananaginip pa rin na may prinsipeng mag-aahon sa pinagiwanan mo sa
akin..muling magpapalakas na aking respeto at dignidad sa sarili.
Isang tao na bubuhay at magmamahal ng tapat sa isang tulad kong
pinagsawaan at ginamit mo lamang.
Ginawa at ipinadala ni: Maricel Mendoza
|